"Pilit Binubuhay ang Patay nang Kabayo"
- NTF-ELCAC Media Bureau
- 4 days ago
- 3 min read
April 7, 2025
Sa pagdiriwang ng ika-56 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), muling ipinakita ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang tunay nitong kulay bilang isang despotiko, desperado, at burukratikong grupo na hiwalay sa realidad at ipinipilit ang ilusyon ng muling pag-abante ng armadong rebolusyon sa kabila ng mariing pagtanggi ng sambayanang Pilipino dito. Sa patuloy na pag-unlad ng bansa, tuluyan nang iniwan ng sambayanang Pilipino ang ilang dekadang karahasang dulot ng armadong pakikibaka. Ngunit pilit pa ring hinahamig ng PKP ang iilang natitirang kasapian nito— ang mga naghihikahos na elemento ng BHB—pabalik sa madilim at matagal nang pinawalang-saysay na nakaraan.
Sa pangunguna ng PKP bilang ‘abanteng destakamento’ ng insurhensiya, sinusubukan parin nitong buhayin ang pakikibaka nitong nawalan na ng saysay ng panahon. Sa kasalukuyan, ang BHB ay isang mahinang pwersang militar – watak-watak, walang lakas, at di pinagkakatiwalaan ng masa. Halintulad sa mga desperadong tirano, patuloy na pinapalo ng PKP ang patay nang kabayo upang patakbuhin, sa pag-asang mapapangibabawan nito ang nakaamba niyang pagbagsak.
Kahit paulit-ulit pa nilang banggitin ang walang saysay na retorika ng “muling pagsigla ng digmang bayan,” ay hindi na muling makukuha ng BHB ang tiwala ng mga magsasaka at katutubong komunidad. Katawa-tawang itinuturo ng PKP ang kanilang pagkalayo sa masa bilang resulta ng tinatawag nilang "pasisistang militarisasyon" ng estado. Pero sa katotohanan, hindi sila tinatanggap ng sambayanan—hindi dahil sa takot, kundi dahil sa mapagpasyang desisyon ng sambayanang Pilipino na ipaglaban ang kapayapaan at pag-unlad na kanilang pinaghirapan. Ngayon, nakikita na ng mga komunidad ang mga institusyon ng gobyerno, lalo na ang mga pwersang panseguridad, hindi bilang kalaban kundi bilang katuwang sa pag-unlad at kapayapaan.
Mas nakakabahala ang patuloy na pangroromantisa ng PKP sa pagdurusa at kamatayan sa hanay ng BHB, lalo na sa hanay ng kabataan, at ang pagsasalarawan nito bilang pinakamataas na anyo ng patriyotismo. Sa katotohanan, ito ay mapait na resulta ng bulag na paniniwala sa ideolohiya, na makikita sa mga buhay na nasayang, mga pamilyang nagkawatak-watak, at mga komunidad na naiwang sira. Hindi ito mga sakripisyo para sa bayan, kundi mga biktima ng kapalaluan ng PKP.
Sa kanilang anibersaryong pahayag, inamin ng PKP na ang NTF-ELCAC ay isang banta sa estratehiya ng kanilang operasyon. Sa tulong ng NTF-ELCAC, matiyagang natutugunan ng pamahalaan ang mga ugat ng mga armadong pag-aalsa: kahirapan, kakulangan sa edukasyon, imprastruktura, mabuting pamamahala, at kakulangan sa mga serbisyong panlipunan.
Dahil dito, ay patuloy nilang inuudyok sa kanilang "mga lehitimong demokratikong organisasyon" na magtulungan sa pagpapakalat ng panawagan na buwagin ang Task Force. Pero kung naging mahalaga ang NTF-ELCAC sa pagwasak ng armado at pampulitikang istruktura ng PKP, bakit ito bubuwagin ng pamahalaan? Marahil iniisip ng PKP na hindi kayang matuto ng mga Pilipino mula sa kanilang mga panlilinlang at walang katapusang kasinungalingan.
Ang PKP ay nanginginig sa tunog ng lumalakas na pag-ugong mula sa mga dating miyembro at lider nito na tinatanggihan ang higit sa limampung taon ng mga pangakong napako, karahasan, at pagsasamantala sa ilalim ng balabal ng rebolusyon. Ang mga malawakang pagkilos na isinagawa noong Marso 29 ng mga dating rebelde, mga tagasuporta, at mga komunidad ng magsasaka at Lumad sa buong bansa ay hindi lamang para sa pagkondena sa PKP-BHB-NDF, kundi alang rin sa pagtutol sa anumang pagtatangka na buhayin muli ang insurhensiya.
Sa mga natitirang miyembro ng BHB: habang pinapayagan ng pamunuan ng PKP ang inyong mga tinatawag na kasama sa mga lungsod na ipagpalit ang kanilang mga prinsipyo kapalit ng limpak-limpak na salapi, kayo ay iniiwan upang mabulok sa kabundukan, minamandohan na buhayin muli ang armadong insurhensiya. Hinog na ang panahon, upang inyong itakwil ang kanilang pagpapakana at pagkukunwari.
Hindi hinihingi ng pamahalaan na isuko ninyo ang inyong mga prinsipyo na makatarungan para sa mamamayan, bagkus nag-aalok ito ng pagkakataon upang muling itama ang inyong layunin. Makiisa sa kapayapaan, at maging mga tagapagtaguyod ng pag-unlad. Ang mga programa ng gobyerno para sa pagkakaisa at kapayapaan ay nananatiling bukas. Ang Enhanced Comprehensive Local Integration and Amnesty programs ay nakatuon sa pagtulong sa mga dating rebelde upang muling buuin ang kanilang buhay, magbigay ng mga oportunidad sa kabuhayan at pagsuporta sa reintegrasyon na nag-aambag sa mas ligtas, at mas matatatag na mga komunidad. Ang lipas na ideolohiya ng armadong karahasan ay dapat palitan ng makabuluhang kontribusyon sa pambansang pag-unlad. Sa pamamagitan ng whole-of-nation approach, isang pamamaraan kung saan maaari kayong maging aktibong bahagi, kami ay nagtatayo ng isang hinaharap kung saan ang bawat Pilipino, anuman ang nakaraan, ay may lugar sa ating sama-samang pag-unlad.
Habang ikinukubli ng PKP ang pagkakawatak-watak at pagbagsak nito sa kanilang anibersaryo, ay nagdiriwang ang sambayanang Pilipino sa mga tagumpay ng kapayapaan, pagkakaisa at pag-asa. Tapos na ang armadong rebolusyon. Ang tunay na pakikibaka ngayon ay para sa kapayapaan, isang pakikibakang karapat-dapat ipagtagumpay.
Undersecretary Ernesto C Torres Jr
Executive Director
NTF ELCAC

Comments