Isang Panawagan para sa Pagkakaisa, Pagsulong, at sama-samangPaghilom
Tayo, mga dating kasaping Partido Komunista ng Pilipinas, ay nagkakaisa at matapang na kinokondena ang karahasang idinudulot ng CPP-NPA-NDF at iba pang anyo at porma ng karahasan na dinaranas ng sambayanang Pilipino.
Matapos maging bahaging CPP-NPA-NDFP, ang ating mga buhay ngayon ay malinaw na patunay ng kapangyarihan ng mapayapang pagbabago. Mula sa pagiging mga aktibong kasangkapan ng armadong pakikibaka, tinatahak natin ngayon ang isang bagong landas ng pakikibaka-isang pakikibaka para sa hustisya, pagkakapantay-pantay, at kaunlaran sa mapayapang paraan.
Ngayon, tayo ay pinagbubuklod ng ating sama-samang kasaysayan at hangarin para sa pangmatagalan at makatarungang kapayapaan para sa sambayanang Pilipino.
Ang ating desisyon na kundenahin ang armadong pakikibaka ay hindi pagsuko ng ating mga prinsipyong pinaglalaban. Hindi natin tinatalikuran ang pakikibaka para sa panlipunang hustisya-bagkus, ating niyayakap ang isang bagong pamamaraan ng pakikibaka na nakaayon sa saligang batas at pagtutulungan ng lahat ng sektor ng lipunan.
Bagama't puno ng hamon ang landas ng ating reintegrasyon sa lipunan, pinagsisikapan nating maging matatag sa harap ng mga pagsubok. Sama-sama tayong kumikilos upang maitatag ang isang makatao at mapagkalingang lipunan kung saan walang sinumang maiiwan. Hindi lang simpleng pagbabalik-loob ang ating mithi, kundi ang patuloy na pag-unlad at aktibong pakikilahok sa pagtataguyod ng mas makabuluhang pagbabago sa ating lipunan.
Kailangan nating isulong ang kapakanan ng lahat ng tulad nating former rebels, ating mga pamilya, at mga komunidad. Kaakibat nito, tayo ay nanawagan para sa pagpapatupad ng mga programang magbibigay sa atin ng sustinableng kabuhayan, dekalidad na edukason, serbisyong pangkalusugan, at iba pang batayang panlipunang serbisyo. Dahil dito, tayo ay naninindigan para sa mga ahensyang patuloy na sumusuporta sa kapakanan nating mga FRs at tumutulong sa ating mga adhikain.
Tayo ay hindi simpleng mga benepisyaryo ng mga hakbangin para sa kapayapaan.
Bagkus, tayo ay mga aktibong katuwang sa pagtataguyod ng tunay at makatarungang kapayapaan. Kaya't nananawagan tayo sa mga lokal at pambansang ahensya, gayundin sa mga patriotiko at progresibong organisasyon, na kilalanin ang mahalagang papel ng mga former rebel sa patuloy na usapin ng kapayapaan at kaunlaran. Tangan natin ang mahahalagang mga karanasan at aral na mga susing ambag sa higit pang paglilinaw at pagpapatibay ng mga patakarang tunay na magsisilbi sa interes ng mga sambayanang Pilipino.
Anumang oras na hingin ng kalagayan, tayo ay nakahandang ipagtanggol ang kalayaan at soberanya ng ating bayan mula sa panloob at panlabas na panghihimasok at pandarambong.
Higit sa lahat, patuloy tayong naninindigan para sa isang lipunang malaya sa pang-aapi at pagsasamantala. Isang lipunang tunay na pangkalahatan, kung saan maging ang mga kagaya natin ay may pagkakataong gumanap ng makabuluhang papel sa pagpapaunlad at paglikha ng makatarungan at pangmatagalang kapayapaan para sa sambayanang Pilipino
Comments