99% ng BDP naipamahagi na — Esperon
By Doris Franche / The Philippine Star
MANILA — Halos nasa 99 porsiyento ng P16.44 bilyong pondo para sa Barangay Development Program (BDP) ang naipamahagi na ng Department of Budget and Management (DBM).
Ito ang inihayag ni National Security Adviser at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Vice-Chairman Hermogenes Esperon Jr.
Ayon kay Esperon, layon nitong pasiglahin ang ekonomiya at paunlarin ang pamumuhay ng 822 mga barangay na ginulo at pinagmalabisan ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at naitaboy na ng mga tropa ng pamahalaan sa pagitan ng taong 2016 hanggang 2019.
Naniniwala si Esperon na sa pagbabalik ng seguridad, edukasyon, paglago ng ekonomiya at kabuhayan sa 822 barangay ay mawawala na ang kapangyarihan ng CPP-NPA-NDF at tuluyan nang matatapos ang 52 taong insurgency.
Ang P16.44 bilyong pondo para sa 822 barangay ay direktang naipasa sa Provincial o City Governments at di dumaan sa NTF-ELCAC. Dahil na rin sa batayan na ginawa ng DBM sa pagre-release ng pondo para sa mga nasabing bilang ng mga barangay sa siyam (9) na rehiyon sa ilalim ng Local Budget Circular 135 and 135-A.
Ang BDP ay proyekto ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbibigay ng mga tinatawag na “physical needs” ng mga barangay.
Commenti